Written by: Angelo Bueza
Sa isang lipunang demokratiko, ang pagboto ang siyang itinuturing na pangunahing karapatan ng isang mamamayan. Sa kasaysayan ng bansang Pilipinas, ang pagkamit ng kababaihan sa karapatang bumoto ay bunga ng mahabang panahon ng pakikipaglaban at matatag na paninindigan para sa pagkakapantay-pantay. Sa kasalukuyan, ang boses ng kababaihan sa eleksyon ay hindi na maaaring balewalain dahil ito ay mahalagang aspeto sa paghubog ng mga alituntunin sa ating bayang minamahal.
Concepción Félix de Calderón

Photo Courtesy: Wikipedia
Si Concepción Félix de Calderón o kilala bilang Doña Concha, ang ginang ay isang aktibista sa kilusang pambansang suffrage ng mga kababaihan sa bansa. Siya din ang nagtatag ng 𝘈𝘴𝘰𝘤𝘪𝘢𝘤𝘪ó𝘯 𝘍𝘦𝘮𝘪𝘯𝘪𝘴𝘵𝘢 𝘍𝘪𝘭𝘪𝘱𝘪𝘯𝘢 noong Hunyo 1905,upang magkaroon ang mga kababaihan sa ngayon sa pagboto. Noong 1912, nagtulungan si Dona Concha kasama sina Pura Kalaw at iba pa para sa pagtatag ng 𝘚𝘰𝘤𝘪𝘦𝘵𝘺 𝘧𝘰𝘳 𝘵𝘩𝘦 𝘈𝘥𝘷𝘢𝘯𝘤𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 𝘰𝘧 𝘞𝘰𝘮𝘦𝘯, layon ng samahang na itaguyod ang karapatan ng mga kababaihan ukol sa pagboto.
Noong taong 1920, nagpalagda sila ng 18,000 na kababaihan upang isulong ang petisyong ito para sa kanilang karapatan. Sa kabila ng mga hamon, patuloy na isinulong ito nina Concepción o Dona Concha kasama ang iba pa sa panahon ng 1934 Philippine Constitutional Convention. Ang kanilang mga pagsisikap ay nagbunga naman ng magkaroon ng desisyon na maisama sa Artikulo V ng 1935 Constitution ang probisyong ito na nagbigay ng karapatang bumoto sa mga kababaihan.

Photo Courtesy: National Federation of Women’s Clubs of the Philippines
𝗔𝗻𝗴 𝗠𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗸𝗮𝗻𝗴 𝗚𝗲𝗻𝗱𝗲𝗿 𝗚𝗮𝗽 𝗻𝗮 𝗞𝗶𝗻𝗮𝗸𝗮𝗵𝗮𝗿𝗮𝗽 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗞𝗮𝗯𝗮𝗯𝗮𝗶𝗵𝗮𝗻 𝗞𝗮𝘂𝗴𝗻𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗿𝗮𝗽𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗕𝘂𝗺𝗼𝘁𝗼
Ayon sa 𝘎𝘭𝘰𝘣𝘢𝘭 𝘎𝘦𝘯𝘥𝘦𝘳 𝘎𝘢𝘱 𝘙𝘦𝘱𝘰𝘳𝘵 2023 ng World Economic Forum, tinatayang aabutin pa ng 131 taon bago tuluyang maisara ang pandaigdigang agwat sa kasarian (World Economic Forum, 2023). Ang agwat na ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang aspeto ng buhay—kabilang dito ang partisipasyon sa ekonomiya, pag-abot sa tamang edukasyon, kalusugan at usaping pampulitika.
Mula naman sa isang ulat ng 𝘛𝘩𝘦 𝘎𝘶𝘢𝘳𝘥𝘪𝘢𝘯, sa UK, bagamat tumataas ang bilang ng mga babaeng kandidato, mas mababa pa rin ang porsyento ng mga kababaihan na bumoboto kumpara sa mga kalalakihan. Noong taong 2010, mahigit 9.1 milyong kababaihan ang hindi bumoto kumpara sa 8 milyong kalalakihan, at mas mataas ang antas ng hindi paglahok sa mga kabataang babae. Sa Pilipinas naman, bagamat itinuturing na isa sa mga bansang may mataas na antas ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, patuloy na mababa ang representasyon ng kababaihan sa mga mataas na posisyon sa politika.
Ani nga ni Miriam Defensor Santiago na isa sa mga prominenteng pigura ng tagapaglaban ng karapatan ng kababaihan sa bansa, “𝙏𝙝𝙚 𝙛𝙪𝙩𝙪𝙧𝙚 𝙤𝙛 𝙩𝙝𝙞𝙨 𝙘𝙤𝙪𝙣𝙩𝙧𝙮 𝙞𝙨 𝙞𝙣 𝙩𝙝𝙚 𝙝𝙖𝙣𝙙𝙨 𝙤𝙛 𝙩𝙝𝙚 𝙬𝙤𝙢𝙚𝙣. 𝙒𝙚 𝙣𝙚𝙚𝙙 𝙬𝙤𝙢𝙚𝙣 𝙬𝙝𝙤 𝙬𝙞𝙡𝙡 𝙛𝙞𝙜𝙝𝙩 𝙬𝙞𝙩𝙝 𝙗𝙧𝙖𝙞𝙣𝙨, 𝙣𝙤𝙩 𝙬𝙞𝙩𝙝 𝙗𝙧𝙖𝙬𝙣”, ipinahahayag dito na ang mga kababaihan ay may malaking impluwensya ganun din ang kakayahang baguhin ang takbo ng kanilang lipunan na kanilang kinabibilangan. Hindi na sila dapat ituring bilang mga tagasunod lamang, kundi mga mahalagang kalahok sa mga desisyon ng bayan—kasama na ang pagboto, pagtakbo sa posisyon, at pagkilos sa mga isyung panlipunan. Dagdag pa dito, binibigyang diin nito na hindi nasusukat sa pisikal na anyo ng katawan ang kakayahan na maging parte ng halalan o maging lider ng isang bayan.

Photo Courtesy: Presidential Museum and Library PH
Ang karapatan ng kababaihan na bumoto ay hindi lamang isang tagumpay sa kasaysayan, kundi isang patunay ng kanilang mahalagang papel sa pagtataguyod ng demokrasya at katarungan sa ating lipunan. Sa pamamagitan nito, naihahayag natinbang mga adhikain para magkaroon ng pagbabago sa ating buhay bilang mamamayan. Ang aktibong partisipasyon ng kababaihan sa halalan ay nagpapalakas sa diwa ng pagkakapantay-pantay at maayos na pamumuno. Kaya naman, nararapat lamang na patuloy natin itong kilalanin, igalang, at ipaglaban—dahil sa isang lipunang tunay na demokratiko, ang boses ng bawat isa, babae man o lalaki, ay mahalagang marinig ng kahit na sino.
𝘼𝙣𝙜 𝙗𝙤𝙨𝙚𝙨 𝙢𝙤, 𝙖𝙮 𝙠𝙖𝙩𝙪𝙢𝙗𝙖𝙨 𝙣𝙜 𝙠𝙞𝙣𝙖𝙗𝙪𝙠𝙖𝙨𝙖𝙣 𝙢𝙤.
References:
World Economic Forum. (2023). Global Gender Gap Report. https://www.weforum.org/publications/global-gender-gap-report-2023/
Inter-Parliamentary Union (IPU). (2023). Women in Politics. https://www.ipu.org/resources/publications/infographics/2023-03/women-in-politics-2023
Philippine Times. (2024). Bumagsak ang Pilipinas ng 9 na Pwesto sa 2024 World Gender Gap Ranking. https://philippines-times.com/bumagsak-ang-pilipinas-ng-9-na-puwesto-sa-2024-world-gender-gap-ranking/
Sunstar. (2021). A Short History on the Women’s Suffrage in the Philippines. https://www.sunstar.com.ph/cebu/feature/a-short-history-on-the-womens-suffrage-in-the-philippines
The Guardian. (2015). Female Parliamentary are on the Rise—but why aren’t Women Voting? https://www.theguardian.com/politics/2015/mar/08/female-parliamentary-candidates-rise-why-arent-women-voting
UNICEF. (2022). Gender Equality and Education. https://www.unicef.org/education/gender-equality