Written by: Andrea Butihen
“Kababae mong tao!” Ito ay isang linya na madalas nating marinig kung ang isang babae ay kumikilos sa paraang hindi angkop at akma sa inaasahan ng lipunan. Marahil ito ay dahil nagsalita siya nang may buong tapang, nag-suot ng “hindi pambabaeng” kasuotan, o kaya naman ay dahil siya ay tumindig upang ipagtanggol ang kaniyang sarili.
Sa likod ng isang simpleng pariralang ito ay ang malalim na ugat at matagal nang sexism sa kulturang Pilipino, isang sistema na patuloy na humuhulma sa kung paano nga ba itinuturing at pinapahalagahan ang mga kababaihan sa lipunan.

Photo Courtesy: Rappler
Ayon sa isang pag-aaral ni Torre (2021), parehong heterosexual at sexual minority na kababaihan sa ating bansa ang nakakaranas ng tinatawag na “everyday sexism”, ito ay tumutukoy sa mga gender biased na pahayag na nagpapakita ng hindi pantay na pagturing o kaya naman ay pagsasabi ng mga bastos na komento tungkol sa kasarian ng isang tao sa pang-araw-araw, na sinasabing mayroong malaking epekto sa karanasan ng maraming kababaihan sa Pilipinas. Kabilang dito ang catcalling, harassment o pambabastos sa parehong online at offline spaces, at mga prescriptive views sa kung paano “dapat” kumilos ang mga babae. One part of the study stated: “These sexist incidents are not isolated; they are normalized in Filipino society, making it harder for women to push back without judgment.” Sa madaling salita, ang mga ito ay hindi lamang basta-bastang mga pangyayari ngunit isang normalized form of discrimination.
Hindi rin ligtas ang mga kababaihan sa larangan ng social media. Sinuri ng isang pag-aaral ng ISPSC (2023), ang mga sexist comments sa mga sikat at most followed Filipina TikTokers, sa taong 2020-2022, kung saan lumitaw na 39.01% ng mga comments ay nagpapakita ng narrow views tungkol sa womanhood, habang 37.03% naman ang mga komento na hayagang nakabababa sa dangal nila. Sa digital age kung saan lahat ay may access at kalayaang magsalita, patuloy na lumalalim rin ang anyo ng sexism, ngunit sa mas mapanlinlang na paraan.
Politika at Sexism

Senator Risa Hontiveros

Leni Robredo
Photo Courtesy: Wikipedia
Ang politika ay isang larangang matagal nang pinangungunahan ng mga kalalakihan at ang sexism o diskriminasyon batay sa kasarian ay patuloy na namamayani sa politika ng ating bansa. Sa harap ng mga ganitong hamon, mayroong mga halimbawa ng mga kababaihan na naging matatag upang ipaglaban ang kanilang boses, isa na rito si Senator Risa Hontiveros, na ang pangunahing layunin ay ang paglaban para sa pantay na pagtrato at representasyon ng kababaihan sa politika. Sa pamamagitan ng kaniyang mga panukalang batas, adbokasiya, at personal experiences, ipinapakita niya na ang kababaihan ay may mahalagang gampanin sa pamumuno at paggawa ng mahahalagang pasiya para sa bansa.
Isang matibay na patunay ng kaniyang paglaban sa sexism sa politika ay ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act, na nagpapalawak ng proteksyon laban sa mga gender-based harassment, kabilang na rito ang mga public spaces and online platforms. Inilarawan ito ni Hontiveros sa isang press release noong 2019, bilang “massive victory” at isang “major push back” laban sa tinatawag niyang “growing bastos culture” sa ating bansa.
Hinimok ni Hontiveros sa gobyerno na garantiyahin ang buong pagpapatupad ng mga probisyon ng batas sa lahat ng kalsada, paaralan, at opisina sa buong bansa, na binibigyang-diin ang pangangailangan para sa tamang pagpopondo at mga tauhan upang mabisang maisakatuparan ang batas. “The effective implementation of this act will send a clear message to the world that we are fighting back. We will not allow gender-based harassment and violence to rule our public spaces anymore,” (Hontiveros, 2019).

Photo Courtesy: Senator Risa Hontiveros Facebook Page
Isa pang halimbawa ng sexism sa politika ang naranasan ni dating Vice President Leni Robredo sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo noong 2022. Sa kabila ng kaniyang malawak na karanasan sa serbisyo sa publiko, hinarap ni Robredo ang matinding gender bias mula sa publiko at media. Tulad ng maraming kababaihan sa larangan ng politika, madalas siya hinuhusgahan batay sa kaniyang kasarian sa kabila ng kaniyang plataporma at kakayahan na maibabahagi. Gayunpaman, matapang niyang sinabi, “The best man for the job is a woman,” na nagpapakita ng kaniyang matatag na paniniwala na ang pamumuno ay hindi lamang exclusive sa mga kalalakihan.
Ang kampanya ni Robredo sa pagkapangulo ay lumaganap sa kontekstong, kung saan siya ay itinuturing na isang “ina” na nag-aalaga na handang ipaglaban ang kaniyang mga anak na sumasagisag sa bansang Pilipino na umaayon sa tradisyunal na pananaw ng Pilipinas sa perpektong papel ng mga kababaihan (Wong, 2022).

Photo Courtesy: Spark Philippines Facebook Page
COCA-COLA #KababaeMongTao Kaya Kahit Ano Kaya Mo

Photo Courtesy: Adobo Magazine
Ang isa sa mga halimbawa bilang positibong tugon laban sa sexism ay ang kampanya ng Coca-Cola Philippines noong 2021 na pinamagatang “Kababae Mong Tao”. Naniniwala ang Coca-Cola Philippines na ang isang babae ay nabibilang kung saan man niya piliin, kung saan ginagawa niya ang anumang pinapangarap niyang gawin. Binago ng tatak ng pariralang “Kababae mong tao” sa muling paghubog ng kahulugan nito sa pamamagitan ng isang empowering narrative. Ang kanilang simple yet impactful online film ay nanghihikayat sa pagpapasigla ng kababaihan at paglaban sa gender biases.
Itinampok sa maikling film ad ang mga kababaihan mula sa iba’t ibang background na sumasalungat sa inaasahan ng lipunan at nagpapakita na kung ano ang nakikita ng iba bilang ‘mga kapintasan’ ay talagang kanilang mga kalakasan. Ipinagmamalaki ng pelikula ang mismong mga katangian na nagpapakilala sa kanila, maging ito man ay isang bold na artist bruskong drummer, palaban na photojournalist, o higit pa.
Ang mga ganitong hakbang gamit ang media ay isang makapangyarihang kasangkapan sa pagpapalawak ng kamalayan ng lipunan, paghihikayat sa mga tao na magtanong, mag-isip at muling suriin ang mga nakasanayang pinaniniwalaan. Hindi lamang binabasag nito ang pagkakaroon ng pangkalahatang paniniwala, opinyon, o impresyon na nakakabit sa mga kababaihan ngunit nag-aalok din ng isang bagong anggulo kung saan mayroong mas makatarungang pagtingin para sa mga kababaihan bilang simbolo ng tapang at lakas, hindi ng kahinaan. Ang mga uri ng kampanyang gaya nito ay may kakayahang gumising sa isipan, lalo na sa mga kabataang maagang hinugis ng kulturang sexism.


Photo Courtesy: Instagram Account – @youngstarphils
Ang pariralang “Kababae mong tao” ay hindi lamang isang simpleng expression, ngunit isang manifestation ng malalim na ugat ng sexism sa ating kultura. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkilos, pagbibigay kapangyarihan sa mga boses ng kababaihan sa ating lipunan, at paghamon sa mga lumang kaugalian saanman natin ito makita. Kung babaguhin natin kung paano tayo nagsasalita, nag-iisip, at kumikilos, binabago rin natin ang uri ng mundong binuo natin—hindi lang para sa mga babae, kundi para sa lahat.
“Kababae mong tao?” Oo, babae ako—malakas, matapang, at may boses na karapat-dapat pakinggan.
References:
Adobo Magazine (2021). Campaign Spotlight: ‘Kababae Mong Tao’ film by Coca-Cola challenges unconscious biases against women.
Coca-Cola Philippines, (2021). COCA-COLA #KababaeMongTao Kaya Kahit Ano Kaya Mo. YouTube. https://youtu.be/1cR7EU_lFCY?si=VrGs_4nP3UCA3e3Z
Hontiveros on the Safe Spaces Act lapsing into law: A MASSIVE VICTORY, MAJOR PUSH BACK AGAINST “BASTOS CULTURE”. (2019, May 29). Senate of the Philippines.
https://web.senate.gov.ph/press_release/2019/0529_hontiveros1.asp
Rappler (2023). Filipino women highly biased against own gender – study.
https://www.rappler.com/philippines/filipino-women-highly-biased-against-own-gender/
Torre, B. A. (2021). The incidence and nature of everyday sexism in Filipino women’s lives: Comparisons of heterosexual and sexual minority women’s experiences. Review of Women’s Studies, 31(1), 63–100.
Villaruel, N. (2023). Sexism on the Contents of the Most Followed Pinay Tiktokerists. Ilocos Sur Polytechnic State College. https://ispsc.edu.ph/e-dawa-lvff2194
Wong, A.C. (2022). Leni Robredo’s Gendered Fight for the Philippine Presidency. Australian Institute of International Affairs.