Written by: Rochelle Legaspi
Sabi nga nila, anumang pagsubok o hirap, basta’t pursigido at may dedikasyon, walang imposibleng hindi makakamit. Kahit ito pa’y nagmumula sa lupa o abot hanggang kalawakan, kakayanin at mararating ng taong may tunay na determinasyon.
Angelita Castro-Kelly

Photo Courtesy: Filipina Women’s Network
Si Angelita Castro-Kelly ay isang simbolo ng tunay na inspirasyon sa larangan ng pananaliksik sa kalawakan. Siya ang kauna-unahang babaeng naging Mission Operations Manager ng NASA, at binansagang “MOM” ng ahensya. Ipinanganak siya sa Jones, Isabela, Pilipinas, bilang bunso sa anim na magkakapatid. Pinalaki siya ng kaniyang mga magulang, na kilala sa larangan ng medisina bilang isang doktor at isang parmasyutiko, at parehong nagtanim sa kaniya ng matibay na pagpupursigi sa pag-aaral. Malaki rin ang naging impluwensya ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang kapatid na si Ambassador Pacifico Castro, na nagturo sa kaniya ng kahalagahan ng masipag at pursigidong pagtatrabaho.
Si Angelita ay isang magaling na estudyante. Naging salutatorian siya sa University of Santo Tomas at aktibong nakilahok sa mga debate at sa larangan ng journalism. Nagtapos siya bilang summa cum laude sa kursong Matematika at Pisika. Nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Estados Unidos, kung saan nakakuha siya ng Master’s degree sa Pisika sa University of Maryland. Bagamat nakaranas siya ng diskriminasyon dahil sa kaniyang kasarian sa larangan ng STEM, hindi ito naging hadlang sa kaniyang tagumpay. Sa halip, nagsilbi itong inspirasyon para sa kaniya upang labanan ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng kasarian.
Noong 1977, nagsimula ang kaniyang karera sa NASA bilang isang data analyst sa panahon ng mga unang misyon ng Space Shuttle. Kahit na nakaharap pa rin sa diskriminasyon, nagtagumpay siya sa kaniyang trabaho. Sa katunayan ay sa loob ng labindalawang taon, naging isang eksperto siya sa pamamahala ng data sa Goddard Space Flight Center’s Spacelab Data Processing Facility (SLDPF).

Photo Courtesy: Wellesley

Photo Courtesy: Wikipedia
Noong 1990, naging Mission Operations Manager si Angelita para sa Earth Observing System (EOS). Isa itong malaking tagumpay, hindi lamang para sa kaniya kundi para rin sa lahat ng babaeng nagnanais magtrabaho sa NASA. Siya ang kauna-unahang babae at Pilipino na humawak ng ganitong posisyon. Pinangunahan niya ang pag-unlad ng mga satellite na Terra, Aqua, at Aura, na mahalaga sa pag-aaral ng klima.
Hindi lamang siya isang dalubhasa sa agham, kundi isa rin siyang tagapagtaguyod ng diversity at edukasyon sa STEM. Naging mentor siya sa maraming kababaihan at aktibong nagtrabaho upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga kababaihan na makapasok sa NASA. Naniniwala siya na mahalaga ang pagkakaiba-iba para sa patuloy na pag-unlad ng agham.
Namatay si Angelita Castro-Kelly noong Hunyo 7, 2015, sa edad na 73, dahil sa mga komplikasyon ng lupus. Pumanaw man siya, ang kaniyang pamana ay patuloy na nabubuhay. Hindi lamang siya kilala sa kaniyang mga nagawa sa larangan ng agham at pamamahala, kundi pati na rin sa kaniyang mga naiwang karunungan. Isa sa kaniyang mga payo ay: “Pursue a strong education. Uphold your values wherever you are. Treat everyone equitably.” Ang mga simpleng salitang ito ay nagpapakita ng kaniyang mga prinsipyo sa buhay, na nagsisilbing inspirasyon sa mga siyentipiko at lider sa buong mundo.

Photo Courtesy: Beall Funeral Home
Hanggang sa kasalukuyan, ang kaniyang legacy sa NASA ay patuloy na nagbibigay impluwensya at inspirasyon. Ang kaniyang mga publikasyon, kasama ang mga nakatuon sa pagpapabuti ng Earth Observing System, ay nagpapakita ng kaniyang dedikasyon sa pagpapahusay ng pagkuha at pag-aaral ng mga datos sa kalawakan.
Maraming parangal ang natanggap ni Angelita Castro-Kelly, na nagpapakita ng kaniyang kahalagahan. Kabilang dito ang “Pamana ng Bayan” Presidential Award for Science and Technology, na iginawad ni Pangulong Fidel Ramos noong 1993. Naging isa siya sa 100 Most Influential Filipinas sa Estados Unidos. Natanggap din niya ang Goddard Space Flight Center Exceptional Performance Award noong 2006 at ang Most Influential Award of Filipina Women’s Network noong 2007. Pinarangalan din siya ng University of Santo Tomas bilang isa sa kanilang Ten Outstanding Thomasian Alumni for Science and Technology noong 1993. Nagbigay rin sa kaniya ng Honor Award at Exceptional Achievement Medal ang NASA noong 2007. Natanggap din niya ang Manned Flight Program Launch Honoree Award at ang “Snoopy” Award mula sa mga astronaut.
Ang kwento ng buhay ni Angelita Castro-Kelly ay isang patunay na ang dedikasyon, integridad, at paghahangad ng kahusayan ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa mundo ng agham. Siya ay isang maningning na inspirasyon, nagbibigay-liwanag at pag-asa sa mga kababaihang nangangarap na maglakbay mula sa lupa hanggang sa kalawakan. Sa kabila ng mga hamon at diskriminasyong kaniyang hinarap, pinatunayan niya na walang hadlang ang makakapigil sa taong may tapang, talino, at paninindigan. Ang kaniyang buhay at mga tagumpay ay patuloy na magsisilbing gabay sa susunod na henerasyon ng mga siyentipiko at lider sa buong mundo.
References:
Giants in History: Angelita Castro Kelly. (n.d.). Asia Research News.
https://filipinawomensnetwork.org/epahayagan/dr-angelita-castro-kelly-us-fwn100-07-passes
Mirror (n.a.). Angelita Castro-Kelly. Wellesley. https://blogs.wellesley.edu/mirror/angelita-castro-kelly/
Yap, A. (2012). Angelita Castro-Kelly: NASA’s Fearless Filipina Diplomat. Illustradolife.
https://illustradolife.com/angelita-castro-kelly-nasas-fearless-filipina-diplomat/