The First Woman of Law: A Filipina’s Legal Journey

The First Woman of Law: A Filipina’s Legal Journey

Written by: Andrea Butihen

Photo Credits: Cosmopolitan PH

Naisip mo na ba ang mabuhay sa panahon kung saan ang mga kababaihan ay hindi maaaring maging abogado, bumoto, o kaya naman ay magkaroon ng pantay na karapatan tulad ng mga kalalakihan?

 

Noon, ganito ang naging kalagayan ng Pilipinas, maraming karapatan ang ipinagkait sa mga kababaihan, mula sa karapatan sa edukasyon at trabaho maging sa kakayahang makilahok sa usaping pampulitika. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbabago ang batas, nagsimula na itong kilalanin at protektahan ang karapatan ng mga kababaihan. Sa likod ng mga pagbabagong ito ay ang pagsisikap ng mga matatapang nating kababaihang abogado, aktibista, at tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan. 

 

Isa sa mga batas na naipasa ay ang Women in Development and Nation Building Act (RA 7192) noong 1992, na nagbigay ng pantay na oportunidad sa kababaihan sa larangan ng edukasyon, trabaho, at pagnenegosyo (Official Gazette, 1992). Sinundan ito ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262) noong 2004, na naglalayong protektahan ang kababaihan laban sa pisikal, emosyonal, at sikolohikal na pang-aabuso (Republic Act No. 9262, 2004).

 

Isa pang mahalagang batas ay ang Magna Carta of Women (RA 9710) na naipasa noong 2009. Ito ay isang komprehensibong batas na naglalayong labanan ang diskriminasyon sa kababaihan at tiyakin ang kanilang pantay na representasyon sa trabaho, gobyerno at iba pang aspeto ng lipunan (Philippine Commission on Women, 2009).

Illustration by: Warren Espejo (Women’s Suffrage: How the Filipina Won the Right to Vote)

Photo Credits: Esquire Mag PH

Ang pag-unlad ng mga batas para sa kababaihan ay hindi magiging posible kung wala ang mga naunang babaeng nagbukas ng pintuan para sa iba. Isa sa mga pinaka-mahalagang pigura sa kasaysayan ng abogasya sa Pilipinas ay si Natividad Almeda-López, ang kauna-unahang babaeng abogado sa bansa. Si Natividad Almeda-López ay isang nangungunang personalidad sa larangan ng abogasya at isang tagapagtaguyod ng kilusang pangkababaihan. Siya ang kauna-unahang babaeng abogado sa Pilipinas, ang unang babae na dumepensa sa kapuwa babae sa hukuman, at siya rin ang unang babaeng hukom ng municipal court ng Maynila.  

Natividad Almeda-López

Kinilala bilang “Dekana ng mga Babaeng Hukom,” si Natividad Almeda-López, siya ay isinilang sa Maynila noong Setyembre 8, 1892. Siya ang panganay sa anim na anak nina Koronel Manuel Almeda y Gomez at Severina Lerma.


Siya ay naging lisensyado sa hurisprudensiya noong 1913, nakapasa sa bar exam noong sumunod na taon, at naging kabilang sa mga kauna-unahang babaeng abogado sa bansa. Nagtrabaho siya sa pribadong sektor ng limang taon bago pumasok sa gobyerno noong 1919 bilang special attorney sa Bureau of Justice. Matindi ang kompetisyon laban sa mga kalalakihan sa larangan ng abogasya, ngunit noong 1922, naitalaga siya bilang assistant attorney sa opisina ni Leonard Wood. At dahil sa kaniyang angking galing, ipinagpatuloy siya ng mga sumunod na attorney general hanggang sa umangat siya bilang assistant attorney general.

                                                   Photo Courtesy: The Kahimyang Project

Noong 1931, itinalaga siya ni Justice Secretary Jose Abad Santos bilang acting judge sa hukuman ng Maynila. Naging ganap siyang hukom noong 1936 at nanilbihan hanggang taong 1951. Samantala, noong 1937 at 1938, natamo niya ang masterado sa batas at doktorado sa batas sibil mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. 

 

Noong 1952 naman, hinirang siya bilang executive judge ng Manila Municipal Courts. Noong 1956, naging presiding judge siya ng Juvenile and Domestic Relations Court, at siya ang kauna-unahang babaeng humawak ng posisyong ito sa Pilipinas at maging sa buong Asya. Patuloy niyang itinakda ang mga bagong pamantayan sa hudikatura, kaya noong 1961, siya rin ang naging unang babaeng associate justice ng Court of Appeals.

Photo Credits: Presidential Museum and Library PH

Sa kabila ng kanyang abalang karera, hindi niya nakaligtaan ang mga gawaing sibiko. Aktibo siyang sumuporta sa mga organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan. Pinangunahan niya ang La Protección de la Infancia bilang pangulo sa loob ng dalawang dekada, kung saan isa sa kaniyang pangunahing proyekto ang pagtatayo ng Manila Children’s Lying-In Hospital. Dahil sa kaniyang natatanging kontribusyon, ginawaran siya ng iba’t ibang prestihiyosong parangal, kabilang ang Presidential Award of Merit, bago siya pumanaw noong Enero 23, 1977.

Photo Credits: Wikimedia Commons

Ang kaniyang pangunguna sa larangan ng abogasya ay nagbigay ng inspirasyon sa maraming kababaihang Pilipino na sumunod sa kaniyang yapak at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Marami pa ring hamon ang kinakaharap ng kababaihan, ngunit sa tulong ng mga nagtataguyod ng kanilang karapatan, nagbigay daan ito tungo isang lipunang patas at makatarungan para sa lahat.

 

Ang bawat hakbang tungo sa pagkakapantay-pantay ay hindi lamang tagumpay ng mga kababaihan, kundi ng buong lipunan.

References:

Philippine Commission on Women. (2009). Magna Carta of Women. https://pcw.gov.ph/magna-carta-of-women/ 

 

Official Gazette. (1992). Republic Act No. 7192: Women in Development and Nation Building Act. https://www.officialgazette.gov.ph/1992/02/12/republic-act-no-7192 

 

Republic Act No. 9262. (2004). Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. https://pcw.gov.ph/republic-act-9262/ 

 

Umali, J. (2021). Women’s Suffrage: How the Filipina Won the Right to Vote. Esquire Mag PH. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/womens-suffrage-philippines-a2212-20210505-lfrm?s=8h7li366amuhg4evv8pifl9qhk 

 

Estello, Z. & Pixabay (2017). 4 Pro-Women Laws We Need In The Philippines. https://www.cosmo.ph/lifestyle/pro-women-laws-need-the-philippines-a1645-20170206?s=8h7li366amuhg4evv8pifl9qhk 

 

Lolarga, E. (2012). Natividad Almeda Lopez–suffragist, lawyer, a woman ahead of her time. Philippine Daily Inquirer. https://lifestyle.inquirer.net/81351/natividad-almeda-lopez-suffragist-lawyer-a-woman-ahead-of-her-time/

 

The Kahimyang Project (2024). Natividad Almeda-López: A Beacon in the Feminist Movement was born on September 8, 1892, in Manila.

https://kahimyang.com/articles/2923/natividad-almeda-l-pez-a-beacon-in-the-feminist-movement-was-born-on-september-8-1892-in-manila 

 

Almeda-Lopez, Natividad. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/almeda-lopez-natividad/

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *