From Teenage Dreamer to CEO: The Filipina Entrepreneur Daring to Change the Industry

From Teenage Dreamer to CEO: The Filipina Entrepreneur Daring to Change the Industry

Written by: Julianne Marbella

Sa panahon ngayon na maraming kababaihan ang nakararanas ng mga toxic beauty standards at societal expectations, isang Filipina entrepreneur ang tumindig upang mabago ang pananaw ng karamihan tungkol sa self-love at empowerment–siya ay si Cleorine “Cleo” Loque, ang CEO at founder ng Hiraya Pilipina.

Photo Credits: Candymag

Hindi lang basta negosyo ang binuo ni Cleo Loque, ito rin ay isang advocacy na nagnanais na palakasin ang loob ng mga kababaihan. Sa murang edad na 15, hindi lang siya bumuo ng isang brand; sinimulan niya ang Hiraya Pilipina, isang platform na hindi lamang naglalayong mag-benta ng mga produkto kundi tungkol din sa pagbibigay-tinig sa kababaihan.

 

Noong 2019, naisip ni Cleo Loque na magsimula ng isang brand na may mensaheng nagbibigay inspirasyon sa kababaihan. Gamit ang ₱20,000 na inutang niya mula sa kanyang mga magulang, siya ay naglaunch ng 151 na statement t-shirts. Ngunit dahil sa kanyang pagiging busy sa pag-aaral, halos isang taong na-stuck sa kanilang bahay ang kanyang mga produkto. Sa kabila ng mga pagsubok na kanyang naranasan, hindi siya sumuko at naibenta niya ito lahat noong 2020.

 

Nang mangyari ang pandemic, nabago nito ang takbo ng kanyang negosyo. Dahil sa online classes, nagkaroon siya ng mas maraming oras upang maipagpatuloy ang Hiraya Pilipina. Dito siya nagkaroon ng chance na mas palawakin pa ang kaniyang mga produkto, kabilang na rito ang pag produce ng abaca face masks na hindi lamang eco friendly, kundi nakatulong din ito sa maraming lokal na magsasaka at mananahi.

Photo Credits: Hiraya Pilipina

Ang tunay na nagpasikat sa Hiraya Pilipina ay hindi lamang ang kanilang advocacy, kundi ang kanilang innerwear collection. Mula sa kanilang mga silicone bras at nipple pasties, sila ay isa sa mga brand na tumutulong sa kababaihan na mas magkaroon ng kumpiyansa sa kanilang katawan.

 

Hindi biro at hindi naging madali ang pagpasok sa ganitong industriya lalo na’t tayo ay nabibilang sa isang konserbatibong lipunan. Nakatanggap si Cleo ng mga negatibong reaksyon mula sa ilan, ngunit hindi ito humadlang upang hindi magpatuloy. Para kay Cleo, hindi dapat ikinakahiya ang pag-aalaga sa sarili at pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili.

 

Ayon sa kanyang isang interview mula sa Vogue Philippines, Isa sa mga naging sikreto sa tagumpay ng Hiraya Pilipina ay ang lakas ng kanilang online community. Sa kasalukuyan, mayroon na silang mahigit 240,000 followers sa TikTok. Ang malaking porsyento (60%) ng kanilang mga benta ay nanggaling sa nasabing platform. Madaling araw man o hatinggabi, makikita si Cleo na nagla-live selling upang makipag-ugnayan sa kanyang customers. Sa paraang ito, nararamdaman ng kanyang customers na hindi lamang sila bumibili ng produkto kundi bahagi rin sila ng isang mas malaking advocacy.

Photo Credits: MEGA Magazine

Sa kabila ng kanyang tagumpay bilang isang batang entrepreneur, alam ni Cleo na marami pa syang dapat na matutuhan at mararanasan. Naging malaking tulong sa kanya ang suporta ng kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina, na tumutulong din sa pagpapatakbo ng negosyo.

 

Nais niya pang palawakin ang Hiraya Pilipina hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa sa hinaharap. Kasalukuyan siyang nakatuon sa silicone bra industry sa bansa, ngunit balang araw, nais niya rin na palakihin ang kanilang intimates at lingerie line.

 

Ang kwento ni Cleo Loque ay isang patunay na hindi hadlang ang edad sa pagsisimula ng matagumpay na negosyo. Gamit ang kanyang determinasyon at malinaw na layunin, napagtagumpayan niyang iangat ang Hiraya Pilipina mula sa isang maliit na ideya patungo sa isa sa kilalang brand sa bansa. Sa kanyang nakamit na tagumpay, naging inspirasyon siya sa kabataan at kababaihan na walang imposible basta may pangarap at determinasyon. 

 

Cleo Loque is not just a CEO; she is a leader and an inspiration.

References: 

Hipolito, M. (2023). Gen Z CEO Cleo Loque on Championing Women Through Hiraya Pilipina. The Beat Asia. https://thebeat.asia/manila/venture/startups/gen-z-ceo-cleo-loque-on-championing-women-through-hiraya-pilipina

 

Vogue Philippines. (2025). How Hiraya Pilipina Founder Cleo Loque Made Innerwear a Conversation Starter. https://vogue.ph/vogue-partnerships/hiraya-pilipina-founder-cleo-loque/

 

Valdez, M. (2023). Candy University: Cleo Loque. Candy Magazine. https://www.candymag.com/features/cleo-loque-candy-university-a1792-20230419

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *