From Corporate Jobs to Owning a Business and Earning Six Figures: The Story of Verceles Sisters

From Corporate Jobs to Owning a Business and Earning Six Figures: The Story of Verceles Sisters

Written By: Roshan Rareza

Naisip mo na rin bang magtayo ng sarili mong negosyo pero natatakot ka dahil sa dami ng tanong sa isip mo? Tipong, “Paano kung hindi magtagumpay?”, “Paano kung walang sumuporta?”, o kaya “Paano kung mag-fail?”

 

Pero paano nga ba malalaman ang katotohanan kung sa umpisa pa lang ay hindi na susubukan? Ipagkakaila mo pa rin ba na bigyan ng pagkakataon na lumago ang iyong sarili? 

 

‘Yan ay isa sa mga katanungan na nasagot ng tatlong magkakapatid na ngayon ay mga successful business owners na ng kani-kanilang negosyo.

The Verceles Sisters

Photo Courtesy: Latest Chika

Photo Courtesy: Philippine Star

Si Jamaica Verceles ang panganay sa tatlong magkakapatid at siya rin ang unang sumubok magtayo ng negosyo sa kanilang pamilya. Itinatag niya ang Paperaica Shop — isang stationary at sticker shop kung saan siya mismo ang gumagawa ng mga disenyo. Isang buwan pa lang mula nang simulan niya ito, nagdesisyon na si Jamaica na iwan ang kanyang corporate job upang mas tutukan ang maliit pa noon na negosyo. Dahil sa kanyang tapang at determinasyon, naging inspirasyon siya sa kanyang mga kapatid na pasukin din ang pagnenegosyo. Kalaunan, nagtayo na rin sila ng kani-kanilang mga negosyo. Sa ngayon, umaabot na sa six digits ang kita ng Paperaica Shop at patuloy itong lumalago, kabilang na ang pagbubukas ng mga bagong branches.

Photo Courtesy: Paperaicashop Instagram

Samantala, matapos ang mahigit tatlong taong pagtatrabaho bilang HR Officer, nagdesisyon si Danice Verceles — ang bunso sa magkakapatid — na tutukan na ang kanyang pastry business. Hindi naging madali para kay Danice na iwan ang kanyang full-time job dahil sa pangambang baka hindi maging matagumpay ang negosyo. Ngunit sa tulong at suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan, pinili niyang ituloy ang kanyang passion at tuluyang nag-resign sa corporate world. 

 

Bata pa lang si Danice ay may hilig na siya sa pagbebake — nagsimula siya noong 14 taong gulang pa lamang, gamit ang isang maliit na oven toaster. Bagama’t hindi siya madalas magbake noon, nag-ipon siya mula sa mga naibebentang pastry hanggang sa nakabili siya ng mas malaking oven na kaya nang magluto ng mas marami. Sa edad na 23, muli niyang binalikan ang pagbebake at sinimulan itong gawing negosyo. Sa tulong ng kanyang mga benta, nakapag-ipon siya ng sapat na pera para makapag-aral sa isang pastry school.

 

Ngayon, patuloy na lumalago ang kanyang negosyo na tinatawag na Ciento Cookies, na kumikita na ng hanggang 6 na digit kada buwan.

Photo Courtesy: Ciento Cookies FB Page

Hindi tulad ng kanyang dalawang kapatid, pinagsabay ni Janeeva Verceles ang pagma-manage ng Dear Self Beauty—isang cosmetic at skincare shop—at ang kanyang regular na trabaho. Mahigit isang taon niyang kinaya ang parehong responsibilidad bago niya napagdesisyunang mag-resign sa kanyang trabaho at ituon na lamang ang oras sa pagpapalago ng sarili niyang negosyo. “It was one of the hardest decisions of my life,” aniya. Sa tulong ng suporta at inspirasyon mula sa kanyang mga kapatid, mas pinili niyang pagtuunan ng pansin ang Dear Self Beauty. Ngayon, tulad ng negosyo ng kanyang mga kapatid, kumikita na rin ito ng 6 digits kada buwan.

Photo Courtesy: Dearselfbeauty Instagram

Ang kwento ng tatlong magkakapatid na Verceles ay patunay na ang tagumpay sa negosyo ay hindi makakamtan sa isang iglap. Kailangan ng sipag, tiyaga, at hindi matitinag na pananampalataya sa sariling kakayahan. Sa bawat pagsubok, may pagkakataon kang matututo at magsimula muli. Ang mga paghihirap ay hindi hadlang, kundi isang hakbang patungo sa mas malaki at mas matibay na pangarap. Kung may malasakit at pagmamahal sa negosyo, tiyak na makikitaan ng bunga ang lahat ng sakripisyo. Tandaan, ang bawat hakbang natatahakin, bawat pagkatalo, at bawat tagumpay ay bahagi ng isang mas malaking kwento ng tagumpay.

 

Gayunpaman, ang mga kababaihan ay hindi na lamang sa isang larangan nakikitaan ng kahusayan at talento. Sa paglipas ng panahon, mas napapatunayan na ang kapasidad ng mga kababaihan ay hindi lang nababase sa kanilang mga kahinaan. Kaya naman ang kwento ng magkakapatid na ito ay hindi lamang nagbigay inspirasyon para sa mga kababaihang nagsisimula pa lang sa negosyo, kundi na rin pati sa mga Pilipino, at sa mga taong nangangamba sa pag-suporta sa mga lokal na produkto.

 

Don’t let yourself believe that being a woman could stop you from achieving your dreams.

Reference:

Lorzano, J. (2022). Six-figure salary: Elder sister influences siblings to start up own business

https://latestchika.com/just-in/2022/08/14/84455/six-figure-salary-elder-sister-influences-siblings-to-start-up-own-business/ 

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *