Written by: Joemar Olmido
Ang Rags2Riches ay isang sustainable fashion brand na patuloy pa ring nagbibigay serbisyo sa halos dalawang dekadang pagkakatayo. Ang brand na ito ay hindi lamang nakatutulong sa kalikasan, natutulungan din nito ang mga telentadong kababaihan sa Payatas. Si Reese Fernandez-Ruiz ay ang Presidente at isa rin sa mga founders nito.

Paano nga ba nila ito sinimulan? Alamin natin!
Noong 2007, nagpunta si Reese Fernandez-Ruiz kasama ang kaniyang mga kaklase sa kolehiyo sa Payatas. Kanilang nakilala ang isang grupo ng mga kababaihan bihasa sa paghahabi (artisans) ng foot rugs na gawa sa textile scraps na kanilang binibili sa mga middleman. Dahil sa kanilang kuryosidad, ang grupo nila Reese ay nagtanong-tanong sa uri ng buhay na mayroon ang mga tao roon. Tumatak sa kanila ang perang kinikita ng mga naghahabi sa isang araw na nasa ₱10-16 lamang. Para sa grupo nila Reese na nakikita ang paghihirap ng mga manghahabi, hindi maikukumpa ang kanilang kinikita sa trabahong binubuhis nila sa paggawa. Isa pang bagay na kanilang kinakaharap ay ang isang malaking dump site na malapit sa kanilang tinitirhan. Dahil sa mga nalaman ng grupo ni Reese, nagdesisyon silang gumawa ng paraan para matulungan ang mga mamamayan roon lalo na ang mga manghahabi sa mahabang panahon. Bunga ng kanilang pagsisikap at pagtutulungan, na-establish ang Rags2Riches (R2R).

(Reese Fernandez-Ruiz)
Photo Credits: Diversity Woman Media
Hindi naging madali ang simula nito. Naging buhay na ng mga kababaihan sa payatas ang paghahabi. Ang una nilang naisip sa plano ng grupo nila Reese ay karagdagan lamang sa ginagawa nila. Ginawa ng grupo ni Reese ang lahat upang ipaintindi sa mga artisan na ang advocacy nilang R2R ay makatutulong talaga sa kanila. Matagal na panahon at sari-saring pagsisikap ang kanilang nilaan bago nila makamit ang tiwala ng mga artisan.
“If you have an idea, try it in a small way first and then get some feel of it. Get a little bit of achievement that will propel you to try again or try another thing.” — Reese Fernandez-Ruiz
Si Reese at ang kaniyang mga kasama ay mayroong malaking plano para sa R2R, pero sila ay nag-focus sa maliit na pagbabago na maari nilang gawin. Gumawa muna sila ng variant ng rag sa pamamagitan ng pagbabago nito mula sa pagiging multi-color into one plain color or monochromatic. Sa paggawa noon, nabigyan nila ito ng freshness at karagdagang market value na naka-attract pa ng maraming customers. Isa pang aral sa paggawa ng maliliit na hakbang ay ang pagkakaroon ng mga pagsubok. Hindi nila ito hinayaang mag-iwan ng malaking impact na magreresulta ng pagkabagsak ng proyekto.
Kahit na hindi naayos ng maliit ng pagbabagong ito ang mga problema ng mga artisans, nakapagbigay pa rin ito ng iba pang market kung saan pwede nilang maibenta ang mga hinahabi sa mas mataas o magandang presyo.

Photo Credits: Adobo Magazine
Nagpatuloy ang R2R ng isa pang taon. Sa paglipas ng panahon, nakapasok na ito sa fashion industry. Humingi ng tulong ang grupo nina Reese kau Rajo Laurel, isang Filipino fashion designer. Tinulungan sila ni Rajo na mgakaroon ng iba pang perspectives sa pwedeng maging kapalaran ng mga rags na hinahabi. Nang maisip nilang marami pa itong pwedeng maging purpose, nai-launch ang first ever collection ng R2R sa tulong ng ideya at kaalaman ni Rajo. Pagkatapos makapasok sa industry, nakausad din ang R2R patungo sa fashion market.
Pagkatapos ng successful na kolaborasyon kay Rajo Laurel, nag-venture out din ang R2R sa iba pang Filipino designers tulad nina Amina Aranaz Alunan, Oliver Tolentino, at Olivia d’Aboville. Nakapagkamit ng tagumpay ang R2R sa iba’t ibang mga patimpalak tulad ng Outstanding Achievement in Social Enterprise, Eileen Fisher Grant, Rolex Awards for Enterprise para kay Reese, AirAsia Foundation Social Enterprise Award at iba pa.
In-establish ang R2R ng grupo nina Reese upang makita at maisakatuparan ang vision at mission nito. Bagaman hindi pa nito nawawakasan ang pahihirap ng lahat ng mamamayan sa Payatas, nabago pa rin ng R2R ang mga buhay ng mga artisan doon, lalo na ang mga kababaihang bihasa sa paghahabi. Nakatira man sila malapit sa dump site noon, sila naman ay may magandang buhay na ngayon malayo sa kanilang nakaraan. Nabigyan ng R2R ng oportunidad ang mga artisan na baguhin ang daang tinatahak ng kanilang mga buhay. R2R was able to achieve their vision and mission na patuloy na lalago sa susunod na mga taon, lalo na’t di lamang sila nagbibigay serbisyo, nagbibigay rin sila ng kalakasan at kaalaman para sa mga talentadong kababaihan.
References:
R2R Shop Blogs (n.d.). How Reese Fernandez-Ruiz Built Rags2Riches Into A Leading Eco-Ethical Fashion Brand.
SBS Dateline (2012). Rags to Riches.
https://www.youtube.com/watch?v=OOtYL0qLEuM
Coaching Chronicles: Men & Women in the Arena (2025). Episode 12 | Intentional Entrepreneurship with Reese Fernandez-Ruiz.