An Unexpected Path: Maria Teresa Buenaventura’s Journey To Empowering The Deaf

An Unexpected Path: Maria Teresa Buenaventura’s Journey To Empowering The Deaf

Written by: Rochelle Legaspi

Sa mundong magulo, maingay, at puno ng kahirapan, paano makakasabay ang mga taong  walang boses upang ipahayag ang kanilang nararamdaman? Dapat ba na sila ay hayaan na lamang? O di kaya ay maging susi upang sila ay marinig at mabigyang halaga sa lipunan?

Maria Teresa Buenaventura

Photo Courtesy: Flingeros Philippines

Si Maria Teresa Buenaventura, na mas kilala bilang “Ate Tess,” ay isang masigasig at mapagmalasakit na guro. Isang tagapagtaguyod, tagapamagitan, at simbolo ng pag-asa para sa komunidad ng Bingi sa Pilipinas. Ang kaniyang istorya, na binuo sa maraming pagsubok at pinanday ng matatag na dedikasyon, ay sumasalamin sa kapangyarihan ng habag at kakayahang magbigay ng kapangyarihan sa iba. 

 

Bagama’t nagsimula ang buhay ni Ate Tess sa relihiyosong serbisyo, nagbago ang kaniyang landas nang ma-diagnose siyang may epilepsy, isang hamon na hindi niya inaasahan. Ngunit sa halip na maging hadlang ito, naging daan ito para matuklasan niya ang isang makabuluhang karera na magkakaroon ng mas malawak na epekto sa buhay ng iba. Ang kaniyang likas na kakayahan sa mga wika, gaya ng French at Spanish, ay nagbukas ng pinto sa kaniyang pagkahilig sa sign language. Dahil dito, lumalim ang kaniyang interes sa pag-aaral ng Filipino Sign Language (FSL), na sa kalaunan ay humantong sa kaniya upang maging isang bihasang interpreter. Buong puso at dedikasyon, tinanggap niya ang tungkuling ito—na, ayon sa kaniya, “There is an art in it, too”

Photo Courtesy: Purdue University

Sa loob ng 24 na taon, naging guro si Ate Tess sa CSB-SDEAS (De La Salle-College of Saint Benilde School of Deaf Education and Applied Studies), kung saan nagturo siya ng iba’t ibang asignatura—mula sa Deaf Studies hanggang sa pilosopiya. Hindi lamang silid-aralan ang kanyang klase, kundi isang ligtas na espasyo kung saan tunay na nararamdaman ng mga estudyanteng deaf na sila ay nauunawaan, tinatanggap, at higit sa lahat, binibigyang kapangyarihan. Sa kabila nito, ibinahagi rin niya ang kanyang saloobin: “Nakakalungkot na karamihan sa mga bingi sa Pilipinas ay wala pa ring sapat na access sa edukasyon, trabaho, at iba pang mahahalagang oportunidad.”

 

Buong puso niyang inialay ang kaniyang sarili sa pagpapabuti ng access sa edukasyon, trabaho, at mahahalagang serbisyo para sa mga Deaf na Pilipino. Bilang isang human services supervisor at scholarship coordinator sa Catholic Ministry to Deaf People, pinatunayan niya ang kaniyang matatag na paninindigan para sa social justice.  Naging interpret siya sa mga high-profile events, kabilang ang pastoral visit ng Pope noong 2015 sa Tacloban, Leyte pagkatapos ng bagyo, at sa mga pambansang debate sa elektoral—tinitiyak hindi maiiwan ang deaf community sa mahahalagang usaping pambansa. Ani niya, “I consider myself a hearing ally or hearing advocacy worker,” bilang paglalarawan sa kanyang mahalagang papel.

Photo Courtesy: Daily Tribune

Dahil sa kaniyang trabaho, dinala siya sa mga courtroom kung saan nagbibigay siya ng libreng interpretation services para sa mga Bingi na humaharap sa mga legal na suliranin. Bukod dito, aktibo rin siyang nagtuturo ng relihiyon sa mga batang Bingi sa elementarya. Inaangkop niya ang kaniyang paraan ng pagtuturo upang maging mas kawili-wili at madaling maunawaan ng mga bata — isang hamong naiiba kumpara sa kanyang karaniwang pagtuturo sa mga Deaf na estudyante sa kolehiyo.

Photo Courtesy: Daily Tribune

Sa kabila ng sarili niyang mga hamon sa kalusugan gaya ng carpal tunnel syndrome at osteoarthritis, nananatiling matatag si Ate Tess sa kaniyang adbokasiya. Patuloy siyang nagsasalin-wika, nagtuturo sa mga batang interpreter, at nagsusulong ng mas malawak na kaalaman at inclusivity. Simple pero makapangyarihan ang kanyang layunin: tiyaking may pantay na access ang bawat Binging Pilipino sa mga karapatan at oportunidad na nararapat sa kanila.

 

Buong tapang niyang sinabi, “My vision is for every Deaf Filipino to be given the rights that they should enjoy. I want people to realize that the deaf are worth serving, worth knowing, and worthy of a friend, too.”

 

At upang higit na matugunan ang pangangailangan para sa mas malalim na pang-unawa, binigyang-diin niya na “It is best to have continuing deaf awareness sessions, plus basic Filipino Sign Language lessons.”

Photo Courtesy: Daily Tribune

Ang kuwento ni Ate Tess ay isang paalala na ang tunay na halaga ay hindi laging nagmumula sa mabilisang aksyon o magagarbong adhikain ng pagtulong. Sa halip, ito ay nagmumula sa patuloy at malasakit ng isang tao na may matibay na dedikasyon. Ipinakita niya na ang lakas ay hindi nasusukat sa dami ng ginagawa, kundi sa tibay ng puso at sa malasakit na inaalay sa iba. Sa bawat hakbang, pinatunayan niyang ang pagiging babae ay hindi hadlang, kundi isang lakas na nagsisilbing inspirasyon para sa pagbabago at pag-angat ng iba.

 

Tulad ng kaniyang sinabi, “I want to serve the deaf community in any way that I can. It is my lifelong calling and I know I am here to stay.”

Reference:

Edu J. (2024). Ate Tess: The Admirable Deaf Advocate and Ally. Daily Tribune. 

https://tribune.net.ph/2024/06/10/ate-tess-the-admirable-deaf-advocate-and-ally 

 

Pageone Online Network (2024). Empowering The Filipino Deaf Community: A Lifelong Calling For Ate Tess

https://flingerosphilippines.com/empowering-the-filipino-deaf-community-a-lifelong-calling-for-ate-tess/ 

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *